Thursday, June 16, 2011

Pusong biniyak ng kabiyak ng puso ko

Isang umagang kapiling ko na naman ang kape’t sigarilyo at nagbabagang balita sa telebisyon. Gustohin ko mang tanghaliin na ng gising pero dumudungaw sa bintana ang tirik na araw dahil wala akong kortina kaya kailangan kong bumangon bago pa ako manlagkit sa pawis.

Biglang nagpadala ng mensahe ang isang kaibigan kong manunulat ng komedya at may ilalapit daw siyang problema sakin. Sasabihin nalang niya pagpunta sa bahay. Napaisip tuloy ako ngunit naaamoy kong sa kabila ng galing niyang magsulat ng katatawanan ay isang kahindik-hindik na balita ang hatid niya.

Nagulat nalang ako ng may sumilip sa pinto, mabilis palang kumilos ang mga taong may problema dahil wala na silang oras maligo, mag-ayos at ganang kumain kaya paspasan ang lahat. Nag-usap kami ng masinsinan, para tuloy akong pari sa kumpisalan.

Inilahad niya sakin kung paano siya naiputan sa ulo. Nangyari daw yun ng isang gabi ng makipagtalik ang kasintahan niya sa ibang lalake na hindi lubos na kakilala. Isa na ata yun sa pinakamasaklap na kaganapan sa buhay ng isang lalake. Ang dati niyang masayahin na mukha, ngayon ay mukasim na’t naghahalong iyak at tawa. Halos tumawid na sa kabaliwan. Masyado rin maaga para haluan ng alak ang kwentuhan namin kaya sinabayan nalang niya ako sa paninigarilyo at paghigop ng mainit na kape.

Halatang nagpipigil siya ng luha, dahil bawat bukang bunga-nga ay para siyang hinihika kaya pinayuhan ko nalang na “tang-ina kung talagang masakit, eh di umaray ka pare.” Ramdam ko ang bigat na dala niya dahil unang una, ginalang niya’t sineryoso ang babae pero saglit lang ninakaw ang delikadesa ng kanyang kasintahan sa ilalim ng impluwensya ng alak at pangalawa ay natapakan ang kanyang pagkalalake.

Pag ang lalake umiyak, ibig sabihin saksakan na ng sakit ang dinadamdam. Parang asong hindi makakahol. Pinayuhan ko nalang na huwag tumulad sa iba, kung napindeho ay gumagawa ng dahilan na kunwari ay hindi nila mahal yun babae at gamitan lang ang kanilang relasyon. Kadalasa’y nagiging malala pa ang epekto nito, lalo mo lang pinapamukha sa tao na talunan ka. Minsan ay nababahiran ang pagkatao mo’t nahihigitan mo pa ang kasamaang ginawa sayo. Dapat mo bang ikahiya na kahit naloko ka ay naging mabuti ka naman? Hindi na ata uso ang maging matino ngayon, kailangan mapusok ka para may dating.

Ang sabi ko nga ay sa likod ng problema, may regalong nag-aabang. Biniro ko nalang siya na isang magandang bagay ang lokohin ka dahil napatunayan mo sa tao hindi lang sa sarili mo na matino kang ka-relasyon, ayaw mo nun? Baka pag-agawan ka ng mga dalagita kung malalaman nilang matino kang kasintahan. Kumbaga sa damit, panlabas ka. Siya ay pambahay, pangharabas lang.

Kung sumagi man sa isip mo na gumanti ay ‘wag mo ng tangkain pa. Bakit? Isipin mo nalang na umuusad ang buhay niya pero ikaw ay nakapako parin para lang makabawi. Sino ngayon ang ubos oras? Katahimikan ang pinakamainam na ganti kung sakaling gustohin mo mang matapatan ang ginawa niya. Mas masakit at mas malalim ang sugat. Dalawa kasi ang anggulo ng pag-ibig, ang masarap na parte kung saan ka kinikilig sa tamis at ang isa ay ang masaklap na bahagi kung saan ay puro alat, asim at pait. Kumbaga para siyang pakete, kung natikman mo yun isa, dapat malunok mo lahat. Kung iduduwal mo lang ay wag mo ng isubo punyeta.

Nabanggit pa niya sakin na tumawag ang babae’t humahagulgol ng iyak habang humihingi ng tawad at nakikipagbalikan. Sa insedenteng ganito ay mas madali pang magpatawad ng kaaway kaysa sa minahal mong nanakit sayo. Masyado pang maaga para masugatan ulit, baka magkaketong na ang puso mo. Lahat naman ng tao may karapatang umibig pero bilang lang ang handa ng magmahal. Para kasing politika yan, pang seryosong bagay. Kung maglalaro ka lang, isa ka sa mga trapo.

Sa wakas ay binaon niya ang payo ko at siya ay nalinawan. Kaya pinutol na niya kahit kaisa-isang hibla ng kanilang ugnayan…ay hindi pala. Mas matimbang parin ang pagmamahal. Sa taong umiibig, ang salitang pagpapatawad ay umuubra.

No comments:

Post a Comment

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...