Huwebes ng hapon noon, galing ako sa isang birthday party… pagkatapos
tumunga ng dalawang bote ng beer ay nagpaalam na ako…. mukha kasing
uulan, ayokong maabutan ng ulan sa daan. Anak ng pitong kamalasan,
tumirik ang kotse ko sa daan… no choice kailangan kong bumaba para
ayusin ang makina. Sobrang malas talaga at naiwan ko ang gamit ko, nag
uumpisa ng pumatak ang ulan… kung bakit kasi hindi agad sinauli ng
kumpare ko na nanghiram ang mga gamit ko sa pag-aayos ng kotse. May
natanaw akong isang bahay, nagbakasakali akong tumawag… lumabas ang
isang matandang lalaki, siguro mga 70 yrs old na…
“ Magandang hapon po ‘tay, nasiraan po kasi ako eh, di ko po nadala ang
gamit ko baka po may lyabe kayo ay pliers jan?” ngumiti sya sa akin,
maya maya at bumalik at may bitbit na bag at dalawang payong, iniabot sa
akin. Sumama pa sya sa akin sa aking kotse… malaki ang deperensya,
mukhang tinamaan nga ako ng napakalaking malas. Inaya ako ng matandang
magkape muna sa kanila, medyo malamig nga at basa na rin ako ng ulan
kaya sumama ako.
Pagpasok namin ng bahay ay nakita ko na hindi maayos iyon… sabi nya
pasensya na daw ako kasi nag-iisa sya. Roman daw ang pangalan nya,
dating dyipney driver. Umupo ako sa sala, maalikabok yun… pumunta sa
kusina ang matanda siguro magtitimpla ng kape, ayoko na sana kasi
iika-ika na sya, hindi na masyadong makalakad pero mapilit si mang
Roman. Nakita ko sa dingding ang mga nakakwadrong larawan… siguro family
picture nila yun, sa ibaba ay picture ng lalaking nakatoga katabi nito
ang isang kwadro rin ng babaeng nakatoga din… siguro mga anak nya.
Malinis ang mga kwadro, halatang kapupunas pa lang at parang ayaw
maalikabukan man lang.
Tama ako, sabi ni mang Roman anak nga daw nya yun. Inilapag nya ang
kape, mejo hindi malinis yung mug pero nakakahiya naman kung tatangihan
ko at isa pa nilalamig na rin ako at malakas ang ulan, gusto ko ring
mainitan ang sikmura.
“ kung gusto mo anak… ano nga ba uli pangalan mo? “ tanong nya sa akin, “
Jun po”, sagot ko naman. “ kung gusto mo Jun eh sayo na lang yang mga
gamit ko, wala na rin namang gagamit nyan dito… gamit ko dati yan ng
driver pa ako ng dyip pero mahina na ako ngayon Jun, di ko na kaya na
magdrive pa uli.”
“ naku wag na po, meron po ako nasa hiraman nga lang kaya di ko nadala, asan po mga anak nyo?” tanong ko
“ Si Danny, Engineer ko yan… may pagmamalaking itinuro ang litrato sa
ding-ding… nasa Saudi na ngayon, yan naman babae sa litrato si Juvie
yan… nakapag asawa ng taga Davao at doon na nanirahan… yun naman asawa
ko limang taon na akong iniwan, nag-iisa na lang ako dito eh… kahit nga
mahirap kinakaya ko. Itong bahay na ito kasi ang kaisa-isang ala-ala ko
ng aking pamilya, dito ko binuhay ang asawa ko at ang dalawa kong anak.
Pinagbili ko na rin yung jeep ko, okay na naman napatapos ko na ang
dalawa kong anak at may maganda na silang trabaho, may sarili na rin
silang pamilya at bahay, maayos na ang buhay nila”.
“ Hindi po ba sila dumadalaw dito, I mean po… sino pong tumitingin sa
iyo dito, mahirap po ang mag-isa lalo na at may edad na kayo?”
“ isang taon na siguro na walang dumadalaw sa akin dito, minsan
tumatawag naman sila sa telepono… kahit nga di ko masyado ginagamit yang
telepono eh ayaw ko ipaputol ang linya, araw-araw naghihintay ako sa
tawag nila… yung kahit boses lang nila masaya na ako, basta maramdaman
ko lang na naaalala nila ako. Mababait naman ang mga anak ko,
buwan-buwan may natatangap akong pera sa bangko, pero di ko naman
ginagalaw… pag-namatay ako kasama yun sa ipapamana ko sa mga apo ko.
Yung kapitbahay jan sa kabila, tuwing umaga binibisita nila ako at
dinadalhan ng pagkain, nagbibigay na lang ako sa kanila ng konting pera
pamalengke”.
“Hindi po ba kayo nahihirapan?”
“ mahirap iho, lalo na pagnakakaramdam ako ng pananakit ng katawan… pero
siguro ito ang buhay ko, pag may nasakit sa akin iniisip ko na lang na
bunga ito ng walang tigil kong pagtratrabaho noon upang mapatapos ko ang
mga anak ko tapos mawawala na ang sakit. Yung ala-ala ng masayang buhay
namin noon ang gumagamot sa akin, sana nga lang minsan maalala naman
nila akong dalawin dito, gustong-gusto ko na rin silang makita lalo na
ang mga apo ko. Masarap siguro yung mga araw na kasama ko sila dito,
alam mo ba si pareng kanor jan sa kabila, hindi nya napag-aral ang mga
anak nya kaya hanggang ngayon sa kanya pa rin nakatira… kaya lagi nyang
kasama yung mga anak nya at mga apo…. Mahirap yung buhay nila, minsan
walang trabaho ang mga anak nya… yun ang ayaw kong mangyari sa mga anak
ko, gusto ko maayos ang buhay nila… pero alam mo, Masaya si pareng
kanor, lagi ko syang naririnig na tumatawa kalaro ang mga apo nya…
minsan naiingit ako, iniisip ko na lang na mas masaya ang mga apo ko sa
buhay nila ngayon”.
“ paano po pag may sakit kayo, sino po ang tumitingin sa inyo?”
“ kapitbahay jun, sa kanila na rin ako nagpapabili ng gamot… sapanahon
na may sakit ako doon ako nakakaisip ng matinding depresyon at
pangungulila, sa totoo lang ay nagtatampo ako sa mga anak ko, pagkatapos
ko silang mahalin at bigyan ng magandang buhay ay hindi na nila ako
naalala na dalawin dito… kahit dalaw lang o tawag sa telepono, yung
marinig ko lang na…. o tatay buhay ka pa ba? masaya na ako nun… pero
iniisip ko rin na responsibilidad ko na bigyan sila ng magandang buhay
at papagtapusin ng pag-aaral at responsibilidad ko rin na maging
mabuting ama sa kanila… alam ko hindi na magtatagal at magkakasama na
rin kami ng asawa ko, hiling ko lang na sana bago mangyari yun ay
makasama ko ang mga anak at apo ko.”
“ ayaw nyo po bang tumira sa kanila?”
“ magiging pabigat lang ako sa kanila, ayaw kong bigyan ng isipin ang
ang mga anak ko, dito na lang ako sa lumang bahay namin, bibilangin ang
mga patak ng ulan, siguro pagkatapos ng isang libong tag-ulan maalala na
rin nila akong dalawin dito. Alam mo bang birthday ko ngayon jun? kaya
matyaga akong naghihintay ng tawag nila. Kung hindi naman sila makatawag
iisipin ko na lang na siguro ay busy sila sa kanilang buhay… mahirap
kumita ngayon at kailangan nilang magtrabaho ng hindi naabala”.
Napalunok ako saa king mga narinig, naawa ako sa kanya…
“ Ikaw Jun, may magulang ka pa ba?
“ Nanay ko na lang po, nasa bukidnon kasama ng isa niyang kapatid.”
“ kailan mo sya huling dinalaw?” tanong nya… hindi ako nakapagsalita,
huli akong pumunta sa bukidnon noong pasko… malapit na naman ang pasko
hindi pa uli ako nakakapunta doon.
“ sana madalaw mo uli ang iyong magulang Jun, sigurado ako…
gustong-gusto ka na nyang makita katulad ng kagustuhan kong makita ang
mga anak at apo ko… subukan mo, alam ko magiging maligaya sya”
Tumila na ang ulan, nagpaalam na ako, nagpasalamat… nagpasalamat din sya
sa akin, nakita ko sa mga mata nya na talagang sabik sya sa kausap,
sabi nya ay magkwentuhan pa kami habang hinihintay ang tawag ng mga anak
nya pero dumating na yung hihila sa kotse ko papunta sa talyer. Nangako
na lang ako na dadalawin ko sya pag may libreng oras ako.
Dalawang lingo ang dumaan at naisipan ko uling dalawin si mang Roman
pero sarado na ang bahay… nagtanong ako sa kapitbahay nila at nalaman ko
na namatay na si mang Roman tatlong araw ang nakakalipas, pagkatapos
paglamayan ng dalawang araw ay dinala na ng mga anak nya si mang Roman
at pina-cremate. Aalis na sana ako pero pinigilan ako ni mang Kanor,
iniabot nya sa akin ang isang bag, yun ang bag na pinahiram sa akin ni
mang Roman…
“ bilin ni Roman ay ibigay ko raw syo kung sakaling babalik ka,
kakailangan mo daw ito sa pagbalik mo sa Bukidnon, baka ka daw masiraan
sa daan”.
Hindi ko napigilan ang pagpatak ng luha ko, ramdam na ramdam ko ang
pangungulila ni mang Roman sa kanyang mga anak at apo. Nagdesisyon ako,
magfifile ako ng leave… uuwi ako sa Bukidnon para dalawin ang nanay ko,
tama si mang Roman tiyak matutuwa yun pag nakita ako.
Mensahe ng isang magulang:
Anak.., kung nasaan ka man sana maalala mo ako
Sana dalawin mo ako kahit minsan lang.
Sabik na akong makasama at makausap kang muli.
Kung may pagkukulang man ako… patawad anak,
Gusto kong malaman mo… mahal kita higit sa pagkakaalam mo..
No comments:
Post a Comment