ikaw nga ba ang pag aalayan ko ng aking kamatayan o ang dahilan ng aking muling paghinga sa bawat sandaling ilalagi ko dito sa mundo na ang tanging yakap sa gabing malamig ay ang sakit ng iyong paglayo?
tuluyan ko na nga bang llagutin ang taling nagbibigkis sa iyo mula sa akin at hayaan ang aking kaluluwang matangay sa laot ng pag iisa at pagdaramdam?
Lumayo ka sa akin dahil ayon sa iyo'y hindi kita kayang ibigin sa paraang nais mo. minsan, ang bawat palatak mo'y rumirindi sa aking tainga, ang mga iyak mo'y sumusugat sa aking damdamin, ang sakit ng iyong mga salita'y ikinatitigil ng aking dugo sa pagdaloy... minsa'y masyado kang nagiging maingay, minsa'y bigla kang magiging malambing pagkatapos ng mahabang pagsusungit... minsan nama'y hindi na kita kayang patigilin sa pagsasalita na tutuldukan mo ng napakahabang katahimikan. tuwing tinatanong ko sa iyo kung ano ang nais mo'y "wala" ang iyong tugon, ngunit bigla ko na lamang maririnig ang iyong reklamong hindi ako marunong manuyo at hindi ko kayang basahin ang nasa isip mo...
napakahirap mong intindihin. ang maliit na pagtatalo'y lumalawig sa napakahabang argumento na wawakasan natin sa iyong paglayo, pagbagsak ng pinto, at hindi pagpapakita ng isang linggo.
hindi ko naging gawain ang pagsasabi ng salitang mahal kita, kaya't ito'y laging laman ng iyong mga hinanakit. kailan ko nga ba maaaring sabihin na sawa na ako sa iyong mga pagdududa? sa iyong walang hanggang pagseselos? sa iyong pusong nilalamon ng pag aalinlangan at agam agam? kailan?
bakit ba sa tuwing tayo'y nagtatalo, pinaparamdam mo sa akin na ikaw lamang ang may karapatang magalit at sumigaw dahil sa ating dalawa, ako ang salat sa pang unawa?
ngunit hindi kita kayang kalimutan o hayaang tuluyang lumayo sa akin, dahil wala ng tutulad sa malumanay mong mga ngiti, sa mahiyain mong mga tingin, sa mabining haplos ng malambot mong kamay, sa mainit mong yakap, sa napakatamis mong ngiti, sa iyong pagmamahal na hindi kayang arukin ninuman...
babae...
Huhugutin nga ba kitang muli sa aking tadyang...
o itatanim sa aking puso magpakailanman?
No comments:
Post a Comment